Hindi siguro kaila sa karamihan na tayong mga Pilipino ay may romantikong relasyon sa ating inuming alak. Kayang-kaya nating makipagsabayan sa inuman kahit kaninumang mamamayan ng ibang bansa. Sangayon sa isang report mula sa Euromonitor*, ang Pilipinas raw ay isa sa mga bansang malakas komunsumo ng alak.
Hindi naman ibig sabihin nito, na tayo’y bansa ng mga lasenggero. Sabihin na lang nating dahil marami tayong okasyon para uminom. Umiinom tayo kapag may birthday. O fiesta. Kapag pista opisyal at walang pasok. Tuwing kinsenas at katapusan (katapusan na rin ng suweldo!). Kapag may nagbalikbayan, gaya ng aming kapitbahay na seaman, na alam na alam ko kapag-nagbalikbayan na siya, dahil may maiingay na namang nag-iinuman sa kalye, sa tapat ng bahay nila. At iba-iba pang okasyon.
Ngunit kadalasan walang espesyal na dahilan ang kailangan para tayo’y mag-umpukan at mag-tagayan. Dahil lubog na ang araw, ay sapat ng okasyon para tayo’y mag-inuman.

Drinking. More fun in the Philippines.
Iba’t iba rin ang ating gustong inumin. Beer, gin, brandy, vodka, at rum. Nandiyan din ang mga katutubo nating inumin, gaya ng lambanog, basi, tapuy, at tuba. Sang-ayon sa mga pagsisiyasat, beer o cerveza, ang paboritong inumin nating Pilipino. At ang pangunahing beer sa Pilipinas ay walang iba kundi San Miguel beer na naging bahagi na ng ating kultura. (Wala po akong komisyon sa San Miguel Corporation, pero baka mabasa nila ito at bigyan ako ng balato.)
Iba’t iba rin ang tawag natin sa ating inumin. Tulad ng lapad, bilog, quatro-kantos, at long neck, sang-ayon sa hugis ng bote nila. Iba’t ibang taglines rin ang nakaukit na sa ating ulirat. “Iba ang may pinagsamahan.” “Inumin ng tunay na lalaki.” “Ganado sa buhay.” At “hindi lang pampamilya, pang sports pa.” Ah…eh….. rubbing alkohol pala iyung huli, ipinapahid lang at hindi dapat iniinom.
Nakakaaliw rin ang iba’t ibang logo ng mga alak. Isa sa nakakaagaw pansin ay ang logo ng Ginebra San Miguel, na kilala rin na marca demonio. Ito ay yung arkanghel na si San Miguel na may nakahugot na espada, habang inaapakan niya ang demonio. Ngunit kapag itiniwarik at tinungga mo na yung bote, at iyong titigan si San Miguel – nakapaibabaw na yung demonio!
May mga taong mahilig uminom sa bar. May madalas sa beer garden o mas kilala na “patay sindi.” Ngunit ang karamihan ng mga Pilipino ay sa harap lang ng tindahan sa may kanto, o kaya’y sa isang sulok ng kalye sa ilalim ng poste ng Meralco, at doon kasama ang tropa ay solb na solb na sa tagay at pulutan.
Tungkol naman sa ating pulutan, paborito natin ang sisig, krispy pata, at tokwa’t baboy. Kung tipid naman ay adobong mani, o kornik, o chicaron ay talo-talo na. Kung walang-wala naman, ay “usa” na lang ang pulutan – “usapan.” At malungkot mang tanggapin, ay kilala rin tayong mga Pinoy sa pulutang “asusena.”
Ikuwento ko lang po noong bata pa ako, ay may aso kaming ang pangalan ay Brownie. Isang hapon ay nakawala ito dahil naiwanan naming bukas ang gate. Dali-dali naming ginalugad ang paligid-ligid at mga kapit-kalye doon sa amin sa Sampaloc, Manila. Patuloy kami sa pag-hahanap hanggang sa kumagat na ang dilim. Hindi namin mahanap ang aming aso, pero may nakita kaming isang grupo sa isang kalye na masasayang nag-iinuman at nagkakantahan. Hindi ko sila pinaparatangan. Ang alam ko lang, hindi na namin nakitang muli si Brownie.
Isang tradisyon ng inuman na aking personal na nasaksihan ay doon sa lugar na pinaglakihan ng aking tatay, sa Norzagaray, Bulacan. Parang Oktoberfest sa Germany ang tradisyon na palasak ang laklakan. Tawag nila rito ay “Lansakan.” Ito ay ginaganap tuwing Mahal na Araw. Sangayon sa tradisyon ang mga tao’y nagpapakalasing gaya ng mga sundalong Roman noong naghihirap si Kristo.
Kaya kapag Semana Santa doon sa Norzagaray, habang maraming mga tao ang nagpapakabanal, habang dumadagundong sa loudspeaker ang pabasa ng pasyon, habang ang mga Santo at Santa ay ipinuprusisyon, sa iba’t ibang sulok naman ng bayan ay ang mga taong nag-iinuman at nagpapakalasing. Tuloy-tuloy ang daloy ng beer, gin, rum, vodka, tuba at lambanog. Sa katagalan ay naiihi na ang mga manginginom sa kanilang salawal dahil sa kanilang kalasingan.
Sabi ng marami, dapat daw kapag umiinom, ay papuntahin lang ang alak sa bituka at tiyan at hindi sa utak, upang hindi malasing. Ngunit sasabihin ko sa inyo, bilang isang medical expert, na ang alkohol na ating iniinom ay pupunta at pupunta sa dugong nananalatay sa ating katawan, at hindi kalauna’y maapektohan nito ang ating pag-iisip.
Hindi naman siguro ninyo itatanggi na maraming mga tao ang kung ano-ano ang kanilang nasasabi, nagagawa, at inaasal kapag sila ay lasing na. Kadalasan, kanilang pinagsisihan ang mga nangyari kapag humupa na ang epekto ng alkohol at sila ay nahimasmasan na.
Hindi ko sinasabing bawal tayong mag-inuman, o sa ako’y nagmamalinis. Ngunit naging saksi ako sa maraming buhay na nawasak at maraming magagandang kinabukasan ang nalusaw sa walang pakundangang inuman. Maraming magkakaibigan ang nag-aaway kapag sila ay “lasheng” na. Ang malulutok na halakhak ay nauuwi sa malulutok na “put*ng ina mo!” At kung minsan hindi lang saksakan ng init ang kanilang pagtatalo, kundi nauuwi pa sa tunay na saksakan.
Marami ring mga pamilya ang nawatak sanhi ng alkohol. Nagiging mas mahalaga ang ating relasyon sa alak at ka-tropa kaysa sa relasyon sa tahanan. Nagiging sanhi rin ng away at paghihirap kapag ang mga pinagpawisang sweldo ay nauuwi lang kay Chivas Regal at Johnny Walker. Nalulugmok tayo sa putik ng walang pag-asenso.

kinilaw na utak
Ngayon, bilang isang duktor, marami na rin akong nakitang mga taong naging bilanggo ng alak. Kahit anong pilit nilang humilagpos sa mga kuko nito ay hindi sila makaalpas, dahil sa haling na haling na ang kanilang katawan dito. Kahit luto na ang kanilang atay, baldado na ang puso, at tustado na ang utak, tuloy pa rin sila sa pag-inom. Napakarami na akong nakita na nagbuwis ng kanilang buhay dahil sa alkohol.
Alam kong bahagi na ng hibla ng ating pagka-Pilipino ang magtagay-tagay sa anumang pagdiriwang. Ngunit sana naman ay ating pag-isipan ang mga ito, at hinay-hinay lang po tayo sa ating pag-inom.
Pare, isang tagay pa?
*******
(*report of Euromonitor was published in Philstar and can be read here)
(**photos taken from the internet)
