Quantcast
Channel: filipino – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Jeepney

$
0
0

“Mama, bayad ko ho. Isang Quiapo, kasasakay lang. Paki abot na nga lang po.”

Iyan ang naging linya ko araw-araw noon. Matagal-tagal ko na ring hindi nasasabi ito. Dahil wala namang jeepney papuntang Quiapo dito sa Iowa.

Pero kahit mahabang panahon na akong hindi sumasakay ng jeepney, ay mayroon pa rin akong mga naranasan noon, na nagagamit ko hanggang sa ngayon.

Heto po ang mga natutunan ko sa pagsakay ng jeepney.

1. Natuto akong yumoko. Mababa ang bubong ng jeepney, kaya’t sa pagsakay mo nito ay kailangan kang yumuko. Kung hindi ay mauuntog ka, o kaya’y matatanggalan ng ulo.

Oo nga’t maraming panahon na dapat tayong taas-noo at tuwid ang pagtindig. Ngunit may pagkakataon ding kailangan nating yumoko. Isa na ang sa pagsakay sa jeep.

Sa ating buhay, minsan kailangan nating yumoko at magpakumbaba. Tulad ng kawayan, kahit matayog ang tindig nito, ito’y yumuyuko sa malakas na hagupit ng hangin, upang hindi mabali at makatayong tuwid muli.

2. Umusog kahit konti. Kadalasan sa pagsakay natin sa jeep ay pinakikiusapan tayong umusog kahit konti. “Konting ipit lang po,” sabi nga ng drayber.

Alam kong may mga  drayber na pinagpipilitang sampu-an ang laman ng upuan, kahit hanggang pito lang talaga ang kasya. Pero mas madalas ay makatuwiran naman ang pakiusap sa atin, para naman may maupuan din iyong ibang pasahero.

Hindi naman siguro natin ikamamatay kung kalahati lang ng puwit natin ang nakasayad sa upuan. Hindi rin naman siguro mababawasan ang pagkalalaki (o pagkababae?) natin kung uupo tayo nang hindi nakabukaka. Sa ating buhay, kailangan lang ng bigayan. Konting usog lamang po.

3. Natutong magpa-abot at maki-abot. Hindi lahat ng oras ay makakaupo tayo sa tabi o sa likod ng drayber. May pagkakataong nasa dulo tayo ng jeep, at maliban na ikaw si Yao Ming, sigurado akong hindi mo kayang iabot ang iyong bayad nang direkto sa drayber.

Kaya makiusap tayong pakiabot na lang ang ating bayad. At kung ikaw naman ang napakiusapan, ay iabot na lamang din naman po. Ganyan talaga ang buhay sa loob ng jeepney – abut-abutan lang.

Sa ating lipunan, hindi lamang sa loob ng jeepney, ay hindi rin tayo mabubuhay ng mag-isa lang. Kailangan natin ng tulong ng isa’t-isa.

4. Maging alisto sa mga nangyayari sa aking paligid. Marami akong nasaksihan noon na mga pasahero na natutulog sa loob ng jeep. Maaring pagod na pagod lamang sila. Meron din namang mga nakasakay na pawang gising ngunit tulog ang mga isipan.

Minsan ang mga taong tulog ay lumalagpas sa dapat nilang babaan. O mas masaklap, sila’y nadudukutan.

Maraming beses, kapag tayo’y tulog o nagtutulug-tulugan, ay nalalampasan tayo ng mga pagkakataon sa buhay. O maari naman din tayong pagsamantalahan ng mga taong maiitim ang kaluluwa. Maging alisto po sana tayo.

5. Natutong hingin ang sa akin ay nararapat. May panahon noon na hindi ako sinuklian agad ng drayber, o kulang ang sukling ibinigay sa akin. Marahil ay hindi lang niya ako narinig ng tama, o kaya’y mali ang kanyang kwenta.

Sa pagkakataong iyon, ay aking hinihingi sa drayber ang dapat kong sukli. Dahil unang-una alam kong ako’y tama. Pangalawa, wala na akong pera at magiging kulang na ang pamasahe ko sa susunod kong sakay, at ayaw ko namang tumagaktak ang aking pawis kung ako’y maglalakad na lamang.

May pagkakataon sa buhay natin na kailangan nating ipahiwatig ang ating opinyon o kaya’y ipaglaban ang sa atin ay nararapat. Alamin ang mga bagay na ukol sa atin, at ipagtanggol ang ating karapatan.

6. Ang jeepney ay hindi Limousine. Pero ihahatid ka rin nito sa iyong patutunguhan.

Opo, masikip at siksikan sa loob ng jeep. Mainit. Mausok. Hindi mo pwedeng piliin lagi ang puwesto na iyong uupuan. Hindi mo pwedeng piliin ang iyong makakatabi. Kung minsan ay mapanganib pa ang pagsakay sa jeep. Subali’t sa kabila nito, makakarating din tayo sa ating paroroonan.

Ang biyahe ng buhay ay parang biyahe sa jeepney. Hindi laging maginhawa parang biyaheng sakay ng Limousine. Konting tiis at tiyaga lamang po. Aabot din tayo sa ating gustong marating.

Hanggang dito na lamang po, sa susunod na lang muli.

“Mama para na diyan sa tabi!”

jeepneys1

Quiapo circa 1980′s

(*photo from here)



Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Trending Articles