Taong 1991, ako ay isang medical intern na nakadestino sa Canlubang, Laguna sa isang maliit na ospital bilang aming community service. Isang malamlam na gabi, isang binata ang itinakbo sa aming Emergency Room. Ito’y walang malay at para bagang naninigas pa.
Sabi ng mga kamag-anak nito ay wala raw silang alam na sakit ang binata. Alam lang daw nila na mahilig itong mapag-isa at malimit itong pumaroon na walang kasama, sa tabi ng ilog.
Tumingin sa akin ang nakatatandang duktor na naka-duty sa Emergency Room. Tinanong niya ako kung ako raw ba ay “naniniwala.” Naniniwala saan?
Hindi ako nakasagot. Dahil hindi ko rin naman alam ang aking isasagot.
Hindi na lang umimik sa akin ang Emergency Room doctor, ngunit naringgan ko na sabi nito sa isang nurse, na baka raw napaglaruan ng espiritu ang binata.
Bilang mga Pilipino, tayo’y maraming mga paniniwala. Hindi alintana kung ano man ang antas natin sa buhay, bata man o matanda, mataas man ang pinag-aralan o wala, marami sa atin ay may mga superstisyon.
Naniniwala tayo sa multo, sa aswang, sa tikbalang, sa kapre, sa tiyanak, sa manananggal, sa nuno sa punso, sa engkanto at engkantada, sa dwende at marami pang iba.
Balik tayo sa Canlubang. Isang buwan din ang naging rotation namin doon. Apat na babaeng co-interns ang kasama ko sa rotation na iyon, ako lang ang lalaki. Sa isang maliit na gusali sa likod ng ospital kami nanirahan habang kami ay naninilbihan doon.
Isang gabi, isa sa aking co-intern ay may hinahanap na gamit niyang nawawala. Kami ay tinanong niya kung amin daw ba itong nakita. Sumagot ang isa ko namang co-intern na baka raw “hiniram” lamang ito.
“Hiniram nino?” ang aming tanong.
“Maari ng mga dwende,” and sagot niya.
Nagkatinginan na lamang kaming apat. Tanong namin, “May dwende ba rito?”
“Oo, ayun nga ang isa sa may pintuan o,” ang dagdag pa nito.
Biglang nagtayuan ang aming mga balahibo! Sumulyap kami sa may gawing pintuan kung nasaan daw yung dwende, ngunit wala naman kaming nakita.
Mayroon daw talagang mga tao na kitain ng dwende, o ng multo, at ng kung anu-ano pang kataka-takang pangitain. Siguro katulad ko ay may mga kakilala rin kayong kagaya nila. Ayaw natin silang kasama, kasi lalo lang tayong matatakot.
Mula noon, lagi nang nagpapasama sa akin ang aking mga co-intern paglalabas sila sa gabi mula sa aming tinitirahan, kahit patungo lang sila sa ospital, na may ilang hakbang lang ang layo. Madilim at mapuno naman kasi ang paligid, tapos dadaan ka pa sa tabi ng morgue ng hospital. Sino nga ba naman ang hindi matatakot?
Marami pa akong narinig na makababalaghang kwento mula sa aking pagkabata sa mga lugar na aking narating. Tulad ng White Lady sa Balete Drive sa pagitan ng Aurora Boulevard at Rodriguez Avenue. O kaya nama’y ang kwento ng diwata sa bundok ng Makiling, na kilala na si Maria Makiling. Nang kami din ay bumisita sa isang liblib na purok sa probinsiya ng Quezon, bilin sa amin ng mga tagaroon, huwag daw kaming masyadong tititig sa mga nakadungaw sa bintana na hindi namin kakilala, at baka raw kami mamaligno.
Naalala mo rin ba noong bata ka, huwag ka raw tatapak sa maliit na bunton ng lupa, at baka raw may nuno sa punso na nakatira sa loob nito. O kaya ay binabawalan ka na huwag kang turo nang turo kapag nasa gubat o mapunong lugar, at baka ka ma-matanda. Umiwas din daw sa puno ng balete at baka magambala mo ang mga nilalang na naninirahan doon.
Naniniwala ba ako sa mga ito at mga kwentong multo?

May kinakausap kaya ang batang ito sa puno ng balete?
Pagkatapos ko ng aking internship, dahil hindi ko pa tiyak kung anong specialty ang aking pipiliin, kaya’t nag-moonlight muna ako sa isang ospital sa Plaridel, Bulacan. Habang ako ay nagre-review para sa Medical Licensure Exam ng US, upang makapag-training sa Amerika, ay sa Plaridel muna ako nanilbihan ng kulang-kulang isang taon.
Maliit lang ang ospital na iyon. Nasa looban ito at nasa daang graba. Sa ikalawang palapag ng ospital ay mga kwarto ng pasyente. Sa unang palapag naman ay ang klinika, at ang emergency room.
Isang gabi na medyo matumal ang dating ng mga pasyente, ako lang at isang nurse ang nasa ospital. Walang pasyenteng naka-admit sa ikalawang palapag, kaya’t patay lahat ng ilaw sa itaas. Wala ring laman ang Emergency Room maliban sa akin at sa nurse na naka-duty. Naroon din naman si Manong na katiwala ng ospital na nakaupo at nagbabantay sa pinto ng Emergency Room.
Nagpaalam ako sa nurse at sabi ko ako’y bibili lang ng softdrink sa may tindahan sa kanto. Sinabihan ko rin si Manong na tawagin at takbuhin lang ako sa kanto kung sakaling may emergency na dumating.
Pagbalik ko sa Emergency Room ay humahangos akong sinalubong ng aming nurse.
“Doc! May multo po yata sa taas!” ang gimbal na pahayag ng aming nurse.
Tinanong ko kung ano ang nangyari. Sabi niya ay may narinig siyang malalakas na yabag mula sa ikalawang palapag. At para bang may kinakaladkad pa itong kadena, wika pa ng aming nurse.
Alam namin na walang ibang tao sa ospital. May mga ligalig kayang kaluluwang gumagala-gala sa gusaling ito? Ano kaya ang kanilang gustong ipahayag? Baka naman “pinaglalaruan” lamang kami.
Bumaling ako kay Manong. Sa halip na takot ang mababakas sa kanyang mukha ay parang nakangisi pa ito, na para bang may sanib.
Marahan kong nilapitan si Manong, habang pilit kong tinatago ang tunay kong nararamdaman. Ako’y bumulong sa kanya, “Bukas ko na lang po isasauli ang aking hiniram.”
Kinaumagahan, isinauli ko na ang hiniram kong kadena ng bisikleta ni Manong, na aking kinaladkad noong gabi.
Pinaglalaruan nga ba kamo?
*******
P.S. : Nurse Owie, peace na tayo.
(*photo from the web)
