Ilang araw na lang ay lalabas na ang bagong pelikula ng mga paborito nating superheroes, ang “Avengers: Infinity War.” Ito ay isa sa pinakamalaking production ng Marvel Studios at pagsasama-sama ng pinakamaraming superheroes. Ang movie genre tungkol sa mga superheroes, ay isa sa mga pelikulang kinagigiliwan ng madla at malakas tumabo sa takilya.
Pero ibang superheroes ang gusto kong talakayin ngayon. Ito ay ang mga Abangers. Mga taong nag-aabang.
Hindi ko tinutukoy ‘yung mga tambay sa kanto. Oo nga’t nag-aabang din sila, pero hindi ko lang alam kung ano nga ba ang inaabangan nila. Siguro, Pasko?
Hindi ko rin tinutukoy ang mga pasaherong tinitiis ang pagod, gutom, init, at pakikipag-siksikan habang nag-aabang ng masasakyan. Tunay naman na umaabot ng siyam-siyam makarating lamang sa paroroonan. Sa ibang pagkakataon ko na lang tatalakayin ‘yon.
Ang aking tinutukoy ay ang mga nag-aabang sa pag-ibig na hindi nila maangkin. Sa simpleng salita, ‘yung mga nagmamahal ng taong may girlfriend o boyfriend na. O mas masaklap pa, nagmamahal ng may asawa na. Sila ay nag-aabang na magkahiwalayan ang sinisinta nila, para sila naman ang makaentra.
Maraming mga kanta akong kinagisnan noon na nagsasaysay ng ganitong sintimyento. Ito ang isa: Hanggang Sa Dulo ng Walang Hanggan.
Ang orihinal na umawit nito ay si Basil Valdez, at ni-remake naman nila Gary Valenciano at Sarah Geronimo.
At kung sadyang s’ya na ang ‘yong mahal,
Asahan mong ako’y di hahadlang,
Habang ikaw ay maligaya ako’y maghihintay,
Maging hanggang sa dulo ng walang hanggan.
Ayan ang tunay na Abanger! “Abanger: Infinity Wait.”
Heto pa ang isa, awit naman ni Martin Nievera, “Ikaw ang Lahat sa Akin.” May cover din nito si Regine Velasquez.
At kung hindi ngayon ang panahon,
Upang ikaw ay mahalin,
Bukas na walang hanggan,
Doo’y maghihintay pa rin.
Meron pang isang kanta, ang awit ni Andy. Andy ba kamo? “Andy ‘to ako, umiibig sa ‘yo.” Huh?
Ah, eh si Ogie Alcasid pala ang kumanta nito. At my version din si Leah Salonga.
Nandito ako umiibig sa iyo,
Kahit na nagdurugo ang puso,
Kung sakaling iwanan ka niya,
Huwag kang mag-alala,
May nagmamahal sa iyo,
Nandito ako.
Ilan lang ‘yan sa mga theme songs ng mga Abangers. Sila ay mga superhero, di ba? Hero, bayani, as in martyr! Pwedeng-pwede na silang barilin sa Luneta.
Maaring iyong tatanungin, masama bang maging Abanger?
Unang-una, mahirap maging Abanger. Lagi ka na lang nagtatago sa dilim, naghihintay sa pagkakataon na lumabas sa liwanag. Laging patago ang iyong diskarte, at baka ka mahuli ng tunay na nagmamay-ari. Sabi nga ng lumang kanta ng Apo Hiking Society:
Mahirap talagang magmahal ng syota ng iba,
Hindi mo mabisita kahit okey sa kanya,
Mahirap oh mahirap talaga,
Maghanap ka na lang kaya ng iba…..I-dial mo ang number sa telepono,
Huwag mong ibibigay ang tunay na pangalan mo,
Pag nakausap mo siya sasabihin sa’yo,
Tumawag ka mamaya nanditong syota ko.
Pero marahil ikakatwiran natin, kung tunay ang pagmamahal natin, ito’y ipaglalaban natin kahit pa may bakod na. Bahala na kung magkabistuhan pa. At handa tayong maghintay, kahit pa sa dulo ng walang hanggan, ika nga ng kanta.
Pero dahil kaya sa pagiging Abanger ay maaring ipinipinid natin ang ating paningin at sinasarado natin ang pinto sa ibang mga pagkakataon. Sabi nga ng isang quote:
When one door closes, another opens; but we often look so long and so regretfully upon the closed door that we do not see the one which has opened for us. – Alexander Graham Bell
Minsan hindi pinto, kun’di bintana ang pinagbubuksan. Kaya’t tumalon ka na sa bintana. Jump out and move on.
Marami ang nabubulag at marami rin ang nagbubulag-bulagan dahil sa pag-ibig.
Isa pang dahilan, ilagay natin ang ating sarili sa sapatos ng boyfriend o girlfriend ng ating inaabangan. Hindi ko ibig sabihin na nakawin mo ‘yung sapatos ng boyfriend o girlfriend, pero siguro naiintindihan mo ang ibig kong sabihin. Hindi ba nakakabwisit kung may umaasungot o umaaswang sa iyong syota? Sabi nga ng Gintong Utos: Huwag mong gawin sa iba, ang ayaw mong gawin sa iyo ng iba.
Ang huling dahilan na naiisip ko kung bakit hindi magandang maging Abanger ay ito, hindi mabuti ang “One-Way Street” sa larangan ng pag-ibig. Hindi ito malusog na relasyon. O hindi ito maituturing na tunay na relasyon.
Unrequited love is the infinite curse of a lonely heart. ― Christina Westover
Tulad ng mga naririnig mong payo ng iyong mga kaibigan, ‘Ang mga martyr, binabaril!’ Alam kong may halaga ka, kaya’t pahalagahan mo rin sana at mahalin ang iyong sarili. Natitiyak kong may tao ring magpapahalaga sa iyo.
Masakit man isipin at mas masakit pang aminin, na ako ay naging isang Abanger din noon. Oo, nag-aabang ako sa pagdaan ng magtataho sa aming kalye noon.
Pero seryoso, naging tunay akong Abanger, nanligaw at nag-abang sa babaeng may boyfriend na. Ito ay nang ako’y nasa unibersidad pa. Akala ko nga kami na. Dalawang taon din akong nagpakagago! Pero salamat at naumpog ako at namulat sa katotohanang wala akong mahihitad at hanggang sa pagiging Abanger lang pala ako.
Hindi ako nagkikimkim ng galit. Hindi ako nanghihinayang. Hindi rin ako mapait sa mga pangyayari.
Noong makailang taon lang ang nakalipas, ay dumalo ako sa aming Graduation Silver Anniversary ng aming unibersidad sa Pilipinas. Dito ay muli kong nakita ang aking dating inaabangan. Oo nga’t may kaunting kislot sa dibdib nang akin siyang makita matapos ang dalawampu’t limang taon. Pero akin ding napagtanto na pundi na at wala nang liyab ang aking damdamin para sa kanya.
Hanggang sa ngiti na lang kami at pagbati ng “Kamusta ka.” Dahil para sa akin, natagpuan ko na ang aking “forever.” At hindi lang ako isang Abanger.
(*Our class section of Medicine batch ’91, who attended the reunion gala night. Photo credit to our official photographer.)