Parang mga bata, sabik na sabik kaming sumapit ang Pasko sa taong ito. Kulang na lang ay hilahin namin ang mga araw para maging Pasko na. Hindi dahil sa mahaba ang listahan namin para kay Santa Claus. Nanabik lang kami dahil magiging iba ang pagdaraos namin nito.
Binalak namin kasi na mag-Pasko sa isang lugar na hindi pa namin nararating. Matagal-tagal din naming inasam-asam na mabisita ang lungsod na iyon. Maraming oras din ang aming ginugol sa pagsasaliksik, pagpaplano at paghahanda sa aming gagawing paglalakbay. At maraming pawis at ipon ang ipinuhunan sa biyaheng ito.
Pero alam n’yo ba na mas maraming pawis at mas malaking ipon ang kailangan kung kami ay magbabalik bayan, lalo na kung sa panahon ng Pasko?
Aming pinapanaginipan na sa umaga ng Pasko, kami ay mag-aalmusal ng kakaibang tinapay, at hihigop ng mainit na tsokolate, habang nakatanaw sa mataas na toreng bakal na napapalamutian ng mga ilaw.
Sabi nila maganda raw ang Pasko sa lugar na iyon. Sabi nila wala raw kahalintulad ang Pasko sa siyudad na iyon. Kung ang Pasko ay kung saan ang boong paligid ay ginagayakan ng mga kumukurap-kurap at makukulay na ilaw, hindi ba magandang magdiwang ng Pasko sa Lungsod ng mga Ilaw?
Ngunit sa hindi inaasahang mga pangyayari, sumabog ang kaguluhan sa lugar na iyon. Kumalat ang mga demonstrasyon. Naglipana ang mga nagproprotesta na nakasuot ng dilaw. Akala ko sa bansang tinubuan ko lamang ang mga “dilaw.” Naging marahas at madugo pa ang mga naging salpukan ng mga demonstrador at mga pulis. Sa tutuusin, kung ating babalik-aralin ang kasaysayan ng mundo, sila ang nagpatanyag sa salitang “rebolusyon.”
Kaya hindi man namin gusto, ay wala kaming magawa kung hindi mapilitang kanselahin sa huling minuto ang aming paglalakabay. Ayaw naman naming malagay sa binggit ng alanganin, o maipit sa mga nagbabanggaang pwersa.
Oo nga’t may mga nabayaran na kaming hindi na namin mabawing buo. Mayroong halaga rin ang nawala na parang bula. Sisingilin na lang namin ito sa karanasan at aral ng buhay. Nakakapanghinayang din ang mga oras at pagod na ginugol namin sa paghahanda sa biyaheng ito. Hindi maiiwasan na kami ay makaramadam ng kalungkutan dahil napurnada ang aming pangarap. Mga ilang buwan ding kaming naghintay at nasabik, mauuwi lang pala sa wala. Ang aming Pasko, naging Pakso!
Pero matapos kaming mahimasmasan sa aming kabiguan, ay natanggap din naman namin ang naging kapalaran. Hindi kami galit sa mga tao sa lugar na iyon. Kung sa amin ay maliit na pagkabigo ang hindi matuloy ang aming pangarap na bakasyon, para sa kanila, ang kanilang kabuhayan at karapatang mabuhay ang ipinagtatanggol nila. Amin silang sinusuportan sa kanilang laban.
Kaya amin nalang ipagdiriwang ang Pasko dito sa Iowa. Magiging maliit na pagdiriwang na lamang ito. Mag-papaksiw na lang siguro kami sa Pasko.
Ngunit wala kaming dahilan para magmukmok at magreklamo. Dahil sa buong mundo ngayon, saan ka man dumako, sa kabila ng mga kasiyahan at selebrasyon ng panahong ito, ay mayroong mga tao at kanilang pamilya na marahil hindi nakakaramdam ng Pasko. Marahil sila ay dumaranas ng kahirapan ng buhay. Marahil sila ay naghihikahos. O kaya nama’y sila ay nakaratay sa banig ng karamdaman. Marahil sila ay nangungulila. O kaya’y nasakuna ng digmaan. Ano kaya ang Pasko para sa kanila?
Pero alam naman nating lahat na ang Pasko ay hindi tungkol sa pagliliwaliw, o paglilibang, o handaan, at inuman. Ito ay tungkol sa pagdating ng ating Tagapagligtas. At ito ay sapat na upang tayo’y magpasalamat.
Noong panahon ni Hesukristo, matagal na hinihintay ang ipinangakong Manunubos. Ang lahat ay nasasabik sa pagdating ng Mesiyas na sa kanila’y magpapalaya’t magliligtas. Ngunit nang dumating ang takdang panahon, walang man lang maglaan ng silid para sa Kanya. Hanggang sa sabsaban na lang ang naging lugar Niya. Dahil iba rin ang kanilang ekspektasyon at pakahulugan sa darating na Tagapagligtas, marami sa kanila ang nabigo.
Kung sa panahon natin kaya Siya dumating, ilan kaya sa atin ang handang sumalubong?

Sa Paskong ito, ano mang ang ating pagkakaabalahan, sana ay may lugar sa ating puso ang ating Manunubos.
At kung ano man ang ating hinihintay sa Pasko – bonus, regalo galing sa Ninong at Ninang, o nawawalang sinta (Pasko na sinta ko hanap hanap kita……), o kahit pahinga lang mula sa kapaguran sa trabaho – sana ay hindi tayo mabigo.
Pero kung ang hinihintay natin ay kaligtasan at tunay na kasiyahan galing kay Hesukristo, sigurado akong hindi tayo mabibigo. Walang gulo o kahit pa giyera ang kayang humadlang nito.
Maligayang Pasko po sa inyong lahat.