Quantcast
Channel: filipino – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Biyaheng Langit

$
0
0

(Eksaktong limang taon ngayong araw na ito ang nakalipas nang aking ilathala ang artikulong Paglalakbay sa Alapaap. Isa lamang pong pagbabalik-tanaw……..)

Paglalakbay sa Alapaap

Alapaap.

Iyan ang aking nakita, sa pagdungaw ko sa bintana. Muli akong nasa himpapawid. Lumilipad. Naglalakbay. Pabalik sa aking lupang sinilangan.

Isip ko ay lumilipad at naglalakbay din. Ngunit hindi tulad ng eroplanong aking sinasakyan na mapayapang tumatahak sa mga alapaap, ang biyahe ng aking isip ay maligalig at matagtag.

Mula nang ako’y lumisan ng ating bansa, dalampung taon na ang nakalilipas, ay maraming beses na rin naman akong nakapagbalik-bayan. At lagi sa aking pagbabalik ay may bitbit itong galak at pananabik. Galak na muli akong tatapak sa lupang tinubuan. At pananabik na makita muli ang iniwang pamilya’t mga kaibigan.

Kahit nang ako’y umuwi noong nakaraang Nobyembre bilang isang medical volunteer para tumulong sa mga nasalanta ni Yolanda, ang naramdaman ko’y hamon na may kahalo pa ring pananabik. Pananabik na makapagbigay ng lunas at ginhawa sa mga kababayang nasakuna ng bagyo.

Ngunit kaka-iba ang pagkakataong ito ng aking pagbabalik. Walang galak. Walang panananabik. Kundi pagkabahala sa kakaibang bagyo na aming sasagupain.

May katiyakan naman ang aking patutunguhan. May katiyakan rin ang oras ng aking pagdating at paglapag sa Maynila. Ngunit hindi ko tiyak kung ano ang aking daratnan. Hindi ko rin tiyak kung gaanong kaikling panahon pa ang sa amin ay inilaan.

Pero ganyan daw talaga ang buhay. Walang katiyakan.

Hindi ko sasabihing hindi ko batid na darating din ang pagkakataong kagaya nito. Ngunit katulad ninyo, ako’y nagnanais at umaasa na sana ay malayo pa ang takipsilim. Sana ay magtagal pa ang tag-araw. Sana ay hindi pa matapos ang awit. Sana ay mahaba pa ang sayaw. Sana……..

Subalit tanggapin man natin o hindi, ang lahat ay may hangganan at may katapusan.

Maraming bagyo na rin naman ang aming pinagdaanan. At kahit gaano kalupit ang hagupit ng unos, ito ay nakakaya ring bunuin. At kahit dumadapa sa dumadaang delubyo ay muli rin namang nakakabangon.

Hindi lang bagyong kagaya ni Ondoy o Yolanda ang aking tinutukoy.

Ngunit kahit gaano pa kaitim ang mga ulap na kumumubli sa liwanag, at kahit gaano kalakas ang sigwa na yumayanig sa pagod na nating katauhan, at kahit gaano pa kahaba ang gabi, ay ating tatandaan na lagi pa ring may bukang-liwayway sa kabila ng mga alapaap.

Atin na lang ding isipin na sa ibabaw ng mga alapaap ay palaging nakangiti ang araw. Sa ibabaw ng mga alapaap ay laging mapayapa. Sa ibabaw ng mga alapaap ay walang nang bagyo. Walang nang pagkakasakit. Walang nang paghihinagpis. Walang na ring pagtangis.

Malapit nang lumapag ang aking eroplanong linululanan. Malapit na rin akong humalik muli sa inang-lupa na aking sinilangan. Muli rin akong hahalik sa mukha ng aking ina na sa akin ay nagsilang.

Sana ay magkita pa kami. Sana ay abutan ko pa siya………..bago siya maglakbay sa ibabaw ng mga alapaap.

**********

Post Note: Nagpang-abot pa kami ng aking ina. Ngunit iyon na ang aming huling pagkikita, sapagka’t dalawang buwan matapos nito, siya ay nagbiyaheng langit at pumailanglang na.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Trending Articles