Quantcast
Channel: filipino – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Nanay, Tatay, Gusto Kong Tinapay

$
0
0

Noong isang araw ay nag-bake ang aking misis ng home-made pandesal (Filipino bread roll). Siguro isang magandang epekto ng staying-at-home dahil sa COVID-19 pandemic at dahil na rin sa maraming tindahan at establisyimento ang sarado, ay marami tayong sinusubukang gawin sa ating sarili (do-it-yourself) ang mga bagay na dati nating binibili lang o kaya ay ipinapagawa sa iba. Gaya ng paggawa ng tinapay.

Isa pa ay ang pagkukulay o paggugupit ng buhok. Alam kong maraming mga tao ang napipilitang maggupit ng sarili o kaya’y ipagkatiwala sa kanilang nanay, o mga asawa, o anak ang paggupit ng kanilang buhok. Hindi ko po problema ito, dahil matagal nang ako na lamang ang nagtatabas at nag-aahit ng aking buhok.

Alam kong marami pang mga DIY projects tayong sinubukan nitong mga nakaraang linggo o buwan dahil sarado ang mga suki nating negosyo. Pero mahinahong babala lang po na dahil sarado ang mga klinika ng dentista ay huwag sana nating tangkaing bunutin ang ngipin ng ating kapamilya gamit ang pliers, lalo na’t kung hindi tayo dentista.

Balik tayo sa tinapay, naging matagumpay ang eksperimento ng aking maybahay dahil lasang pandesal naman ang kanyang nilutong pandesal. Naging matayog pa nga ang naging proyekto niya dahil maliban sa plain na pandesal, nag-bake din siya ng ube-flavored pandesal.

my wife’s ube pandesal and plain pandesal

Pero pabiro kong sinabi sa aking misis na hindi authentic ang kanyang linutong pandesal. Hindi ito katulad ng mga kinagisnan kong pandesal sa Pilipinas noong ako’y bata. Ang dahilan ay malaman ang pandesal na linuto niya at hindi gaya ng mga pandesal na binibili namin sa panaderya doon sa amin sa Maynila, na kapag kinagat mo ay malutong-lutong ang labas, pero puro hangin sa loob.

Simple lang naman aking panlasa noong ako’y bata. Masaya na ako sa bagong lutong pandesal kahit pa puno ito ng hangin. Hindi pa noon uso ang mga may flavor na pandesal, gaya ng ube-flavored, o pandan-flavored, o malunggay pandesal. Plain pandesal lang ang tipo ko.

Gusto ko rin naman ng pandecoco, monay, kalihim, kababayan at putok. Hindi anghit ang ibig kong sabihin, kundi ‘yung tinapay na putok (star bread). Noong panahon ding iyon ay nauso ang tinapay na nutriban. Sa katunayan nga ay pinamimigay pa ito ng libre sa mga publikong paaralan. Natikman ko rin naman ang nutriban, pero hindi ko ito masyadong gusto.

Naalala ko rin ang laro ng mga bata habang sinasambit nila ang:

Nanay, tatay, gusto kong tinapay,

Ate, kuya, gusto kong kape,

Lahat ng gusto ko ay susundin ninyo,

Ang magkamali ay pipingutin ko.

Isang araw noong kami’y bata pa ay nag-uwi ang aking tatay ng isang mahaba at matigas na tinapay. French bread daw iyon at baguette ang tawag doon sabi ng aming tatay. Binili niya ito sa Buenos Aires. Teka, kung French bread, hindi ba dapat sa Paris at hindi Beunos Aires, Argentina? Eh kasi iyong panaderya ay nasa kalye ng Buenos Aires sa may Santa Mesa Manila, at hindi ito galing sa ibang bansa.

Sabi pa ng aming tatay ay gusto lamang niya kaming ma-expose sa mga ibang klaseng pagkain at para hindi raw kami ignorante. Pero nang amin nang kainin ang baguette – eh tinamaan ng lintik, matigas pa sa bato ang tinapay na iyan. Sabi pa namin ay maigi pang gawin itong palu-palo sa paglalaba. O pakikinabangan din ito bilang sandata at puwedeng ihambalos sa mga kaaway.

Bumili rin ng kakaibang keso ang aking tatay para raw din matikman namin ang foreign cheese. Kumbaga ay para bang social studies namin at ma-experience ang ibang kultura. Subalit nang aming tikman ang keso, hindi lang mabaho, lasang bulok pa ito! At least, sangayon sa aming ignoranteng panlasa. Inisip na lang namin na baka may amag na iyong keso.

Sa madaling salita, hindi namin nagustuhan ang baguette at ang dayuhang keso. Iyon na ang huling pagbili ng aking tatay ng French bread. Siguro sa isip isip niya, hayaan na lang niya kaming maging ignoramus.

Lumipas ang maraming taon, hindi ko inakalang ako pala ay makakabisita sa bansa ng mga croissant at baguette. Ilang buwan pa lang ang nakalipas nang aking matikman ang original na baguette. Sa totoo lang, masarap pala ito, lalung-lalo na at bagong luto mula sa isang local French bakery.

our simple French breakfast (baguette, of course!)

Tumikim rin kami ng mga kakaibang klase ng keso habang kami ay nasa dayuhang bansang iyon. Anak ng tinapay, hindi ko pa rin maintindihan ang lasa. At kahit hindi ko man sila tuluyang naibigan ay masasabi na kahit paano sila’y aking natikman.

Tungkol naman muli sa pagluluto ng aking misis, ang kanya raw next baking project ay pandecoco at siopao.

(*photos taken with an iPhone)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Trending Articles