Noong nakaraang linggo ay nag-drive kami patungo sa Tennessee na may layo na 1400 kilometro mula sa aming bahay dito sa Iowa. Labing-dalawang (12) oras ang aming drive one way, at salitan kaming mag-asawa sa pagmamaneho. Oo, matiyaga kaming mag-drive, lalo na’t panahon ng COVID, at mapanganib lumipad dahil mahirap mag-social distancing sa eroplano at sa mga airports.
Kami ay pumasyal sa Smoky Mountains na isang kilalang lugar na magandang bakasyunan dito sa Amerika. Alam kong meron ding Smoky Mountains sa Pilipinas, pero hindi ito pasyalan at bakasyunan maliban na lang kung ang trip mo ay suminghot ng mabantot na hangin, dahil ito ay bundok ng basura (land fill) sa Tondo, Manila.
Makulimlim at magkahalong ulan at snow ang pumapatak mula sa kulay abo na mga ulap habang kami ay nagbibiyahe. Kahit mukhang pang-dayuhan at pang-Amerika ang tanawin, ang aking namang musikang pinakikinggan ay katutubong Pilipino. Ako’y nakatutok sa Eraserheads Radio mula sa Spotify.
Sumalang ang kantang Overdrive ng Eraserheads:
Magda-drive ako hanggang Baguio,
Magda-drive ako hanggang Bicol.
Biglang sumagi sa aking isipan ang alaala ng mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas. Kasikatan pa noon ng Eraserheads at matunog pa ang kanta nilang Overdrive. Pinakikingan namin ang Cutterpillow cassette tape album nila habang kami ay nagda-drive dito sa Amerika mula New Jersey hanggang Ohio na may layo na 700 kilometro.
Alam n’yo ba na ang Baguio hanggang Bicol ay may layo din na halos 700 kilometro, at kaya itong i-drive ng sampung oras lang, pero aabot sa tatlong araw dahil sa trapik!
Isasama ko ang girlfriend ko,
Isasama ko kahit sinong may gusto.
Kasama ko noon sa pagda-drive ang aking dating girlfriend na naging misis ko na. Isang taon pa lang kaming kasal nang panahong iyon, at wala pang mga anak. Maingay naming sinasabayan ang kanta ng Eraserheads habang kami’y naglalakbay. Patungo kami sa Cleveland para sa isang application interview ko para sa aking medical training. Simula pa lang noon ng paghahabol ko sa aking mga pangarap. Matagal pa ang biyahe at malayo pa sa gustong patunguhan.
Maliit at compact car ang aming dina-drive noon. Simple lang ang aming kotse at ito ay lease lamang. Ibig sabihin pahiram o inuupahan lang namin, at hindi pa namin tunay na pag-aari.
Magda-drive ako buong taon,
Magda-drive ako habambuhay.
Pagkalipas ng mahigit dalampung taon, heto pa rin kami ngayon patuloy na nagda-drive. Pero natibag na ang grupo ng Eraserheads. Paso na rin ang mga cassette tapes, at kahit nga CD ay hindi na rin uso. At ang kantang Overdrive ay consider na classic oldies na ngayon.
Maluwag-luwag at SUV na ang aming sinasakyan ngayon. Marami rin itong amenities, tulad ng satellite GPS, kaya’t hindi na ako maliligaw. Sariling akin na rin ang kotseng aming dina-drive.
Magda-drive nga yata kami habambuhay. Subalit tapos na ako sa paghangos at pag-tugis sa aking mga pangarap. Maaring sabihing narating ko na ang nais kong marating at inaani na namin ang mga bunga ng aming pinaghirapan at ipinundar na panahon. Malalaki na rin ang aming mga supling, at tapos na nga ng kolehiyo ang aming panganay. Sila naman ngayon ang naghahabol ng kanilang mga pangarap, habang kami naman ay padrive-drive na lang para mamasyal at mag-relax.
Magda-drive ako hanggang buwan.
Pare, nakarating na rin ako kahit sa buwan.
**********
Additional feature: Here’s a short clip of our drive the next day after we reached the Smoky Mountains. Of note, it’s not Eraserheads playing in the background anymore, but rather it’s Simon and Garfunkel with their song “America.”