(I’m reposting an article I wrote 9 years ago. The message still rings true today. Happy New Year everyone!)
Kumakaway-kaway ang bagong nakalambiting pahinang papel sa dingding, nagpapahiwatig na pumasok na naman tayo sa isang panibagong yugto.
Bagong kalendaryo. Bagong taon. Lumang pananaw?

Tunay na ang panahon na ginagalawan natin ngayon ay walang katiyakan. Kasing linaw ng tubig-kanal ang ating kinabukasan. Halos gumapang na parang pagong ang ekonomiya, kahit anumang bansa ang pag-usapan, kahit na sa Amerika. Naghihirap na parang daga ang maraming mamayan sa iba’t-ibang lupalop ng mundo. Walang gobyerno ang ligtas sa gulo at eskandalo. Walang sinisinong pamilya ang mga problema at kahirapan, kahit pa Dimaano o Dimagiba ang apelyido nila. Walang tao sa kasalukuyan, ang hindi apektado ng walang-kasiguraduhang bukas.
Sa kabila ng lahat ng ito, sino nga ba ang nakakaalam kung ano ang ihahatid ng bukas? Kahit pa mga manghuhula sa Quiapo, ay hindi nakatitiyak. At mayroon nga ba tayong magagawa tungkol dito? Mabuti pa kayang maghalukipkip na lamang at magpawalang bahala, at tanggapin na lamang ang anumang barahang iaabot sa atin ng tadhana. Kaya?
Bahala na.
Iyan ang katagang kinamulatan nating mga Pilipino. Ito rin ang pilosopiyang nakaukit na sa ating kulturang kinagisnan. Bahala na. Bahala na si Batman!
Pero kung susuriin, ang katagang “bahala na” ay nagmula sa “Bathala na,” kung saan ang isang tao ay ipinauubaya na sa Maykapal ang kaniyang kapalaran. Maaring maganda naman ang saloobing ito, dahil ito’y nagpapakita ng pagtitiwala sa nakatataas na kapangyarihan. Ngunit ang masama, ay maraming mga tao ang ipinauubaya na ang lahat lahat, at hindi na nagsusumikap na ibangon o ibahin ang “kapalaran” na hatid sa kanila ng pagkakataon. Suwerte kung suwerte, malas kung malas, parang Sweepstakes.
Ika nga ng sinalumang kanta ni Rico J. Puno: “Kapalaran kung hanapin, ‘di matagpuan, at kung minsa’y lumalapit ng ‘di mo alam.” Kaya ba walang nang saysay ang habulin ang ating kapalaran dahil hindi mo rin naman ito maabutan? Sadya bang ang lahat ay nakasalalay sa “Gulong ng Palad” na parang lumang tele-serye?
Hindi ba nga’t si Juan Tamad, isa sa mga kinagigiliwang kwentong Pilipino, ay humilata na lang sa ilalim ng puno at nakangangang naghihintay na malaglag ang bayabas? Naghihintay na ang biyaya o suwerte, na mahulog na lang sa ating kandungan. Ito nga ba ang kagawiang Pinoy? Maging sa ating kanta, tele-nobela, o tradisyonal na salaysayin – bahala na.
Bahala na lang ba talaga?
Mawalang galang na lamang po, ngunit hindi ako sang-ayon sa pananaw na ito. Hindi rin ako naniniwala na wala tayong magagawa para sa ating kinabukasan, o kaya’y ibahin ang barahang tangan natin sa ating palad. Oo nga’t may mga bagay na lagpas sa ating mga kamay, at si Bathala (hindi si Batman) lamang ang may kontrol nito. Sang-ayon ako na mahalaga ang pagtitiwala sa nakatataas na kapangyarihan. Ngunit maraming mga bagay ay nasasa-ating palad, at ang magiging kahihinatnan nito’y bunga ng ating pagsisikap, at hindi lamang sanhi sa guhit ng kapalaran.
Kaya sa bagong taong ito, sana ay mayroon din tayong bagong pananaw sa buhay. Bagong pakikipagbaka. Bagong pagsisikap. Bagong pag-asa.
Bangon na aking kaibigan, ang bukas ay naghihintay sa iyo. Ang “suwerte” ay nasa pawis mo.
(*photo taken at Musée d’Orsay)
***********
Added feature: Bahala Na Si Batman by SOLABROS.com