Malapit sa aming lugar dito sa Iowa ay merong isang lumang barberya na pag-aari ng isang matandang barbero. Kamakailan lang ay nagretiro na si Mang Jerry, na may ari ng establisementong ito. Siya ay mahigit walumpung (80) taon gulang na. Pumalit sa kanya ay dalawang mas bata-batang barbero. Ngunit hindi nila binago ang ‘nostalgic’ na itsura ng lumang barberya.
Kapag tumuntong ka kasi sa loob ng barberyang ito ay para kang nasa ‘time warp,’ at ikaw ay nasa era ng 1960’s.

Napabalik tanaw tuloy ako sa mas lumang barberya na aking kinagisnan, kung saan ako nagpapagupit noong ako’y bata pa. Ito ay nasa probinsiya ng aking tatay, sa Norzagaray, Bulacan.
Ang barberya ay nasa tabi ng maliit na sari-sari store na pag-aari rin ng pamilya ng barbero. Hindi semento o tabla ang sahig, kundi pinatag na lupa. Ang dingding ay mga tinapyas na kawayan at lagus-lagusan ang hangin sa mga siwang ng dingding. May malalaking salamin naman sa harap at sa likod ng silid para makita mo ang iyong sarili habang ikaw ay ginugupitan. Iisa lang ang upuan ng barberya dahil isa lang ang barbero.
Kahit luma ang mga gamit na gunting at labaha ay matatalim naman ito. Sa isang nakasabit na balat na sinturon kung saan hinahagod-hagod muna ang labaha bago niya ito gamitin. Meron ding kahoy na parang sangkalan na nasa pasimano kung saan din kinikiskis ang gunting at labaha. Napipilitan akong hindi maglikot kapag ginugupitan ako ni mamang barbero, baka kasi matapyas niya ang tenga ko.
May laging nakasampay na malaking kalendaryo sa isang bahagi ng dingding ng barberya. Nasa kalendaryo ay larawan ng kabigha-bighaning mga babae na litaw na pati kaluluwa. Kalendaryo yata ng Tanduay ito, na alam kong hanggang ngayon ay naglalabas pa rin sila ng mga kalendaryo. May iba pang mga larawan na nakasabit sa barberya na gigising sa mga inosenteng damdamin at kay Pedro. Kung alam lang siguro ng nanay ko kung anong mga larawan ang nakapaskil sa loob ng barbeyang iyon ay hindi niya ako papayagang magpagupit doon.
Meron pang hubad sa loob ng barberya. Ito ay ‘yung mamang barbero, na dahil siguro sa laging maalinsangan at mainit ang panahon ay ang saplot ay puruntung o pantalon lamang. Minsan ko lang yata siyang nakita na naka-Tshirt o naka-sando rin.
Pagkatapos kong gupitan ay papahiran ang aking batok at patilya ng berdeng tubig na hair tonic, sabay ang masahe sa leeg at balikat. Bubudburan din ako ng Johnson’s baby powder. Hindi na mapagkakailang galing sa barberya ang amoy ko.
Ngunit ang paborito kong bahagi pagkatapos kong tabasan ng buhok ay didiretso ako sa kadikit na tindahan. Hindi ako tatagay ng Tanduay dahil musmos na bata pa ako noon. Hanggang kalendaryo ng Tanduay lang ako. Ang gusto ko sa tindahan ay ang kanilang binebentang halo-halo.
Bagong kaskas ang yelo mula sa isang malaking bloke ng ice na bahagyang nakabalot sa sako ng bigas at mga ipa. Ang makukulay na sahog ng halo-halo ay dinudukot galing sa iba’t ibang garapon na nakahalera sa lamesitang kawayan. Ang gatas naman ay binubuhos mula sa binutas na lata ng ebaporada. Hindi sa baso inihahain ang halo-halo, kundi sa maliit na lumang bote ng Nescafe. Matapos kong manghimagas ng halo-halo ay kumpleto na ang pagbisita ko sa lumang barberya.
Ang pagbabalik tanaw pong to ay tunay na mga alaala at hindi po kwentong barbero lamang.
**********
Post Note: Bakit ba sinasabi natin na kwentong barbero o kutchero ang mga hindi kapani-paniwalang mga pangyayari? Bolero ba ang lahat ng mga barbero at kutchero?