Quantcast
Channel: filipino – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Pinagbuklod Muli

$
0
0

Meron talaga para sa isa’t isa. Kung hindi ka naniniwala dito, ay basahin mo ang kwento kong ito.

May isang magkabiyak na aking kakilala, sila ay laging magkasama. Parati silang magkatambal sa lahat ng kanilang gawain. Araw at gabi, sila ay matatagpuang laging magkadikit. Walang panahon na hindi sila magkasama. Kung nasaan ang isa ay naroroon din ang isa, saan mang dako sila pumunta, kahit na sa Jollibee. Kung sila naman ay nasa bahay lang ay lagi silang magkabuklod. Iisa lang ang kanilang pakay. Kinukumpleto nila ang isa’t isa.

Ngunit isang mapanglaw na araw, napalayo ang isa sa kanila. Siya ay nawala na lang na parang bula. Hindi siya nagpaalam man lang. At kahit anong hanap sa kanya ay hindi siya matagpuan. Hinalughog na pati mga sulok ng kanilang pinupuntahang lugar, ngunit kahit anino nito’y hindi na nasilayan.

Labis na nalungkot ang naiwang kabiyak. Hindi na siya lumabas ng bahay. Nawalan na ng saysay ang kanyang mundo. Sa isip niya ay nawalan na ng pakay ang kanyang buhay. Wala na siyang silbing manatili pa. Siya ay kinalimutan na ng tadhana habang ang mundo ay patuloy pa rin sa pag-ikot. Wala ng kumukumpleto sa kanyang pagkakalikha.

Dumaan ang mga araw. Ang araw ay naging mga linggo. Ang mga linggo ay naging buwan, ngunit hindi pa rin bumabalik ang nawawalang kabiyak. Tunay kayang tapos na ang kanilang tambalan? Wala na kayang pag-asang sila’y magkasamang muli?

Ngunit sa hindi inaasahang pagpihit ng kapalaran, ay natagpuang muli ang umalis na kabiyak. Sa masayang pagkakataon ng buhay sila ay muling naging isa. Bumalik ang kanilang tambalan. Bumalik ang pakay at saysay ng kanilang buhay. Kinukumpleto muli nila ang isa’t isa.

Sila’y pinagbuklod muli.

Kaya’t huwag kang mawalan ng pag-asa aking kaibigan. Mayroon ding nakalaan para sa iyo. Darating din siya sa buhay mo. At kung siya man ay napalayo, babalik at babalik din siya sa iyo. Aabot din ‘yan sa simbahan.

lumang simbahan (photo taken with an iPhone)

**********

Ang kwentong ito ay hango mula sa kwento ng nawawala kong medyas. Sa matagal na panahon ay hindi namin makita ang isang kapares. Naipit lang pala ito sa likod ng washing machine. Buwisit!


Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Trending Articles