“Hijo, nausog ka. Hubarin mo ang iyong damit, upang ating banlian ng mainit na tubig.”
Iyan ang aking naaalala na sabi ng aking lola. Akala ko ay mga sanggol lang ang nauusog. Ako noon ay nasa elementarya na, at kami ay dumadalaw sa aking lola na nasa Bulacan. Masaya akong naglalaro sa harap ng bahay nang biglang tumikwas ang aking sikmura, at ako’y nagsuka. Hindi humupa kaagad-agad ang aking pagsusuka, kaya ako ay tinuringang nausog.
Pagkatapos akong asikasuhin ng aking lola ay huminahon naman agad ang aking pakiramdam. Impatso lang kaya iyon?
Kung ikaw ay Pinoy, siguro ay alam mo ang usog, gayuma, anting-anting, kulam, at iba pang mga paniniwalang Pilipino. Siguro ay nausog ka rin noon? Naka-usog? Nagayuma? Nang-gayuma? Nagkaroon ng anting-anting? Nawalan ng anting-anting? Nakulam? O nang-kulam? Kung ikaw ay mangkukulam, paki-usap naman po, huwag naman sana ninyo akong kagalitan.
Bilang isang tunay na Pilipino ay namulat ako sa mga superstisyong ito. At minsan sa aking musmos na isipan ay naniwala rin sa mga ito. Sabihin na lang natin na kasabay ng paglisan ng aking tiwala kay Santa Claus ay ang pagkawala rin ng aking paniniwala sa mga ito. Ipagpaumanhin ninyo po sana ang aking pagiging pasaway.
Maliban sa usog, ay pinagsabihan din ako noon na mag-ingat sa mga gayuma, lalo na noong ako’y magbinata na. Hindi naman sa pagmamayabang, ay naging habulin din ako ng mga chicks. Hindi pala chicks, kung hindi mga inahing manok at tandang ang mga humabol sa akin noon, dahil nagalit sila sa aking pagbubalabog sa mga manok at sisiw na nasa silong ng bahay ng aking lola doon sa probinsiya.
Tungkol sa gayuma, maraming paraan ang paggawa nito. Maari daw itong katas ng halaman, pawis ng hayop, o sarili mong laway. Maniwala ka o hindi, hindi ako gumamit ng mga ito. Peks man!
Kung pag-uusapan naman ay mga anting-anting o agimat, ay wala akong karanasan dito. Pero may nagsabi sa akin na may malayo raw kaming kamag-anak na may anting-anting. Tinangka niyang sumalo ng bala ng armalite, kaso nga lang hindi umubra ang kanyang anting-anting. Sa kasawiang palad, siya ay natepok.
Hindi ba naging palasak din ang mga pelikula noon (at hanggang ngayon!) tungkol sa mga taong pinaniniwalaang may mga anting-anting. Tulad ni Nardong Putik, Pepeng Agimat, Tiagong Akyat, at siyempre pa, ang Panday. Siguro, isali na rin natin dito si Enteng Kabisote. Pinanood mo rin ba ang mga ito?
Kung ikaw ay mapapagawi sa may Quiapo, sa may labas ng simbahan, ay tatambad sa iyo ang mga tinitindang mga anting-anting. Samahan lang daw ito ng bulong at orasyon, at magkakaroon ka na ng agimat. Totoo nga kaya?
Sa kulam naman, ay marami akong kwento tungkol dito. Hindi dahil sa may lahi kami ng mga mangkukulam. Marunong lang daw kaming lumaban sa mga kulam.
Balikan natin ang aking lola doon sa Bulacan. Siya ay pinupuntahan noon ng mga taong inaakala nilang kinulam, at siya ay pinapakiusapang kontrahin ang mga kulam. Naging tanungan din siya ng mga taong may nawawalang bagay. Isa sa mga kwentong aking narinig ay isang magsasakang nawala ang alagang kalabaw. Matapos ang munting dasal at pagsisindi ng kandila, ay sinabi niya ang lugar kung saan makikita ang kalabaw. At natagpuan naman ito!
Minsan daw ay kinulam ang aking tita, ngunit nahadlangan ito ng aking lola. Tunay naman na may angking galing ang aking lola. Nasa lahi pala talaga namin ang pagiging mang-gagamot. Huwag na ninyong itanong kung naisalin o naipamana sa akin ang abilidad na ito. Walang tsansa, sapagkat ako’y isang erehe at hindi naniniwala.
Noong ako’y nasa kolehiyo na, minsan kami ay nagbakasyon sa Ilocos Norte, kung saan lumaki ang aking nanay. Habang nagpapahinga ang aking tatay sa ilalim ng punong mangga ay biglang sumama ang timpla ng kanyang pakiramdam. Siya ay nahilo, sumakit ang ulo, at nagsimulang sumuka.
Sabi ng mga matatanda doon sa Ilocos, ay baka raw kinulam ang aking tatay ng mga naiinggit sa kanya. Sabi naman ng iba ay baka raw napagkatuwaan siya ng nuno sa punso sa ilalim ng punong mangga.
Matapos kaming makabalik sa Maynila, hindi pa rin umigi ang lagay ng aking ama. Nagpatingin na siya sa duktor. Pagkaraan ng maraming mga eksaminasyon, kasama na ang CT scan ng ulo, ay napagtanto na hindi kulam o nuno sa punso ang problema. Isang malaking tumor sa utak ang dahilan. Ito na rin ang naging sanhi ng kanyang maagang pagyaon.
Mula noon ay lalo nang nawala ang aking paniniwala sa mga superstisyong ating kinagawian. Habang patuloy ko namang tinahak pa ang landas ng siyensiya at medisina.
Lumipas pa ang panahon, ay naging tanungan na rin ako ng aking mga kamag-anak. Hindi ng mga nausog, nagayuma, o nakulam, kung hindi ng mga may karamdaman at sakit. Dahil ako ay naging isa nang ganap na duktor.
At sa aking mga paglalapagan ng kamay: “pwera usog!“
