Nakatayo ako sa bukana ng masikip na kalye sa Maynila. Mataimtim kong sinusuri ang pamilyar na lugar na ito, ngunit sa kabilang banda, ay para bagang nakakapanibago.
Sinimulan kong baybayin ang kalsadang iyon. Sa bawat hakbang ay pawang hinahanap ang mga iniwan kong bakas ng nakaraan. Naghahalong tuwa at lungkot ang aking nararamdaman. Mahigit sampung taon na rin ang nakalipas mula nang huli kong magisnan ang lugar na ito.
Ang kalyeng aking tinatahak ay ang kalye ng Norma. (see previous post about Norma)
Norma. Ito ang lugar na umaruga sa aking pagkabata. Dito ako naglaro at lumaboy-laboy ng malaya noong aking kamusmusan. Dito rin ako namulat sa payak na katotohanan na ang mundo ay malupit. Ngunit dito rin sa lugar na ito ako natutong mangarap, magmahal, at tumanaw nang may pag-asa.
Hindi mga tao o dating kakilala ang unang sumalubong sa akin sa aking paglalakad, kundi dalawang asong kalye (askal) ang nakapuna sa aking presensiya. Marahil ay naamoy nila agad na ako’y dayuhan na sa kalsadang aking tinutuntungan.
Sa aking pagmamasid ay natunghayan ko ang marami nang pagbabago ng Norma. Wala na pala ang maliit na tindahan ni Aleng Poleng. Napagalaman ko na pumanaw na rin pala si Aleng Poleng. Nagtataasang bakod at matatayog na apartment building na ang nakatirik sa mga dating simpleng bahay noon. Pawang tahimik na ang lugar, at wala nang masyadong batang paslit ang naglipana at gagala-gala sa kalsadang ito.
Sa patuloy kong pagtahak ay palakas nang palakas ang kabog sa aking dibdib. Papalapit na ako sa lugar na aking tinuturing na pinagpala. Hindi nagtagal ay tumambad sa aking paningin ang tahanan na aking pinaglakihan. Bahay na aking pinanggalingan.
Wala pa rin itong masyadong pinagbago. Bakas pa ang pangalan ng aking ama na nakaukit sa batong poste sa tabi ng gate. Pareho pa rin ang tabas ng mga pader at hugis ng mga bintana. Pati kulay ng pintura ay pawang hindi rin nila pinalitan. Walang ring pinagbago ang kapirasong silid sa gilid ng bahay kung saan ko sinasaksihan noon ang pag-ikot ng munti kong mundo. Bakante pa rin ang lupa na nasa tabi ng aming bahay.
Ngunit mayroon rin namang nagbago. Wala na ang puno ng bayabas sa tabi na aking inaakyat noon. Wala na rin ang malaking puno ng Chinese Dama de Noche na tumatabing sa harap ng bahay. Iba na ang mga palamuting nakasabit, at mga nakasampay na mga damit na lamang ang pawang tumatakip sa nakalantad na harapan nito.
Mayroon pang malaking pinagbago: iba na ang pamilyang naninirahan dito, at iba na ang batang nakadungaw doon sa may veranda.
Matagal-tagal din akong nakatindig sa labas ng aming dating bahay. Tila baga tumigil ang pagtakbo ng oras at pumihit pabalik ang panahon. Umaapaw ang mga alaala sa aking isipan habang ako’y nakamasid. Umaapaw din ang halo-halong damdamin sa aking puso. Hindi ko na mapigil…….
Ako ay kumatok sa pintuan. Sa kabutihang palad ako ay pinagbuksan. Ako ay malugod na nagpakilala. Ngumiti ang tadhana, at ako ay pinaunlakan pang makapasok sa loob ng bahay na aking kinagisnan.
Muli akong tumapak sa sagradong lugar – sa bahay doon sa Norma.
