Mula nang aking isulat ang “Question and Answer: Sakit sa Balakang” bilang katugunan sa tanong ng isang reader, ay naging isa ito sa pinakamabenta na entry sa aking blog. Laging mahigit sa isang daan visitors ang sumisilip nito araw-araw.
Mahigit sa dalawampu’t pitong libo (27,000) na ang bumasa ng artikulong ito mula nang aking iakda ito noong Septyembre 29, 2016. Meron na ring mahigit kumulang isang daan (100) na readers ang sumulat sa akin ng katanungan na may kinalaman sa sakit sa likod at balakang simula rin noon.
Base sa mga bilang na ito, ay aking napag-alaman na marami pa ring mga tao ang naliligaw sa aking munting blog. Hindi pa rin naman nilalangaw at may sumusubaybay pa ring mga mambabasa. Marami pong salamat sa patuloy ninyong pagtangkilik.
Akin ring natuklasan na napakarami palang mga Pilipino ang may sakit sa balakang. Bakit kaya? Ano bang pinagkakaabalahan nating mga Pilipino at marami ang may sakit sa balakang?
Sa mga sumulat at nagtanong, wala namang nagsabi na sila ay nagtatanim ng palay. Alam kong maaring sanhi ng sakit sa likod at balakang ang pagtatanim ng palay. Ika nga ng ating folk song:
Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko,
Di naman makaupo, ‘di nama makatayo.
Sa lahat ng mga sumulat at nagtanong, ay akin naman po itong sinikap na sagutin sa abot ng aking makakaya, kahit halos magkakatulad naman ang inyong mga katanungan. Siguro kung talagang sumingil ako ng 5 choc-nut sa lahat ng nagtanong, tulad ng aking binaggit sa aking artikulo, ay marahil may ‘sangkatutak na garapon na ako ng choc-nut ngayon.
Ngunit hindi po ito tungkol sa choc-nut, o anumang bayad na aking sinisingil sa mga nagtatanong at kumukunsulta.
Akin pong inilathala ang artikulong “Question and Answer: Sakit sa Balakang” upang magbigay ng pangkalahatang kaalaman tungkol sa sakit na ito. Hindi ko po intensiyon na mag-diagnose ng indibiduwal na sakit ng isang tao, at lalong hindi ko po intensiyon na magbigay lunas sa indibiduwal na tao.
Isa pa, sa aking tingin, ay hindi po ligtas na magbigay ako ng espisipikong opinyon o diagnosis sa isang taong may sakit, lalo na’t hindi ko alam ang buong salaysay ng mga pangyayari, at hindi ko rin naman nakita o na-examen ang pasyente. Sa halip na makatulong ay maari ko pa kayong mailigaw ng daan.
Dahil po rito, ay hindi ko na po masasagot ang mga magtatanong tungkol sa kanilang espisipikong sakit, o kung ano ang kanilang iniinda, o kung ano ang espisipikong gamot sa inyong sakit. Huwag naman sana ninyong ikagalit kung hindi ko na po sasagutin ang iyong mga tanong. Kahit pa isang buwang supply ng choc-nut po ang ialok ninyo sa akin.
Ang pinamabuting payo kong maibibigay sa inyo sa ngayon ay matapos ninyong basahin ang artikulong “Sakit sa Balakang” at kayo ay mayroong sakit na iniinda, ay magpatingin po kayo sa inyong lokal na duktor, at sila ang magda-diagnose at gagamot sa inyo. Sana po ay inyong maunawaan ang mungkahi kong ito sa inyo.
Maraming salamat po.
*********
PS. Sa mga nagtatanong din kung paano gumawa ng gayuma o ng anting-anting, o kung paano mang-kulam o labanan ang kulam, ay huwag na ninyo akong gambalain pa at hindi ko naman kayo matutulungan tungkol diyan.