Mga ilang buwan na ang nakalipas nang hindi sinasadyang mabagok ang cello ng aming anak. Ang anak naming ito ay nasa kolehiyo na bilang isang music performance major. Dahil medyo malakas ang pagkakatama ng cello, ito ay nagkalamat. Dinala namin ito sa dealer at matapos suriin ng eksperto, ay aming nalaman na hindi pala lamat lang kundi malalim pala ang biyak nito.
Hindi ako nakaimik nang sabihin na ang estimadong babayaran ay halos kalahati ng halaga ng cello. Marami raw dapat ayusin upang maibalik ang magandang tunog nito. Maari rin daw mag-depreciate ang halaga ng cello dahil nabasag na ito. Pero dahil napamahal na sa aming anak ang kanyang cello, kaya pinagpasyahan pa rin naming ipakumpuni ito.
Noong ako’y bata pa, aking naaalala na sa aming bahay ay may mga ceramic na figurines na may mga basag. Ngunit kahit pa pingas at basag ang mga ito, sila ay naka-display pa rin sa aming tahanan. Bakit? Ito ang kuwento ng mga figurines:
Kami ay nagbakasyon sa Ilocos Norte kung saan naroroon ang aming mga kamag-anak sa parte ng aking nanay. Dahil sa nataon na birthday ng bunso kong kapatid nang kami ay naroon, kaya doon na rin idinaos ang selebrasyon ng kanyang birthday. Kasama sa mga regalo na natanggap niya ay mga ceramic na figurines. Sa aking pagkakatanda, may figurine na mag-anak na aso, may isang cute na pusa, at mayroon ding bata.
Nang kami ay lumuwas na pa-Maynila ay bitbit namin lahat ng mga regalo, kasama ng ang mga figurines. Binalot namin sila ng dyaryo at lumang komiks. May tinapa at tupig (delicacy ng Ilocos) din kaming inuwi na nakabalot din sa dyaryo.
Fariñas Transit ang aming laging sinasakyan noon papunta at pauwi mula Ilocos. Mula sa istasyon ng bus ng Fariñas sa Sampaloc, ay sumakay kami sa isang taxi pauwi sa aming bahay sa may Balik-balik. Kahit na sobrang siksikan ay nagkasya naman kami at ang aming mga bagahe.
Nang kami ay paliko sa Visayas Avenue, mga ilang kanto na lang sa aming bahay, isang rumaragasang owner jeep ng pulis ang bumangga sa aming taxing sinasakyan. Tumilapon kami sa lakas ng pagkakabangga. Buti na lang at hindi tumaob ang aming taxi, at walang malubhang nasaktan sa amin.
Bumaba ang pulis sa kanyang jeep at kami ay kanyang sinilip. Ang paliwag ng pulis ay may hinahabol daw itong kotse ng mga hinihinalang carnapper, ngunit nawalan daw siya ng preno, kaya’t bumundol ito sa aming taxi.
Kahit kami ay nakalog at nasindak sa pangyayari hindi naman kami kailangan dalhin sa ospital. Bagkus pa nga, nag-lakad na lang kaming pauwi sa aming bahay, dahil ilang kanto na lang naman ang layo nito sa lugar ng aksidente.
Nang kami ay makarating sa aming tahanan, aming sinuri ang aming mga katawan at mga maliliit na pasa at bugbog lang naman ang aming pinsala. Nang aming buksan ang aming mga bagahe, aming natuklasan na ang mga figurines ay may pinsala din – may pingas at basag ang ilan sa mga ito.
Ngunit dahil ang mga pingas at basag na figurines ay nagpapaalala na kami ay buhay at ligtas sa kabila ng aming aksidente, kaya’t idinikit lang namin ng glue at idinisplay pa rin namin ang mga ito. Sila’y tanda ng aming pinagdaanan.
Kayo ba? May mga bagay ba sa inyong tahanan na kahit pingas at sira ay napamahal na sa inyo?
Isang pang display sa aming tahanan sa Maynila noon ay isang family tree na yari sa marmol. Ito ay regalo at galing pa sa Romblon. Sa bawat sanga ng puno ay may nakahapon na ibon.
Noong maliit pa ang aking pamangkin, sa sobrang kalikutan nito, ang marmol na family tree ay kanyang natabig at ito ay nahulog. Napigtas ang isa sa mga sangga nito. May matalinhagang ibig sabihin kaya ito? Naidikit naman namin itong muli sa pamamagitan ng epoxy. Sana nga lahat ng problema sa buhay ay nalulunasan lang din ng epoxy.
Bagaman may basag na ang marmol na family tree, mayabang pa rin itong naka-display sa aming tahanan, dahil para sa amin ay lalo lang nagkaroon ng mas malalim na kahulugan at halaga ito sa aming pamilya.
Sa ating buhay, tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok at paghihirap na maaring sumugat, bumasag, o pumunit ng ating pagkatao at dangal. Sa aming karanasan ay marami kaming pinagdaanang ganito noon. Hindi aksidente sa taxi o sasakyan ang aking tinutukoy. Ang aking ibig sabihin ay ang malalakas, madidilim at masalimuot na bagyo ng buhay.
Hindi ko na isasaad ang mga partikular na mga pangyayari, ngunit sabihin na lang natin na ito’y nag-iwan ng lamat sa aming pangalan.
Ngunit hindi natin dapat isipin na tayo ay marupok. Sa halip ay ating isipin na ang mga lamat, peklat at pingas ay isang tanda na tayo ay matatag. Ito’y tanda na ating nalagpasan ang mga pagsubok at lalo lang tayong tumitibay at lumalakas. Kaya nating bumangon sa anumang hagupit na maaring ihatid ng buhay. Sa bawat sugat, ang ating halaga ay hindi bumababa, kundi lalo pa itong tumataas.
Maaring ikaw ay may mga pinagdaanan o pinagdadaanan ngayon. Maaring ikaw rin ay may mga sugat at lamat. Kaibigan, taas noo nating ipakita sa mundo ang ating katatagan.
(*photo of broken figurine from here)