Noong isang araw, ay nakikinig ang aking misis ng instructional video kung paano magsalita ng French. Malay ba namin, baka bukas makalawa ay mapadpad kami sa Quebec o kaya sa Paris para mag-order ng almusal na croissant at café au lait.
Hindi ko alam kung ako lang ba o lahat ng tao na hindi Pranses, pero para sa akin ay napakahirap yatang lenguahe ang French. Parang ngongo na hindi ko maintindihan. Ibang-iba ang pagbigkas kaysa sa pagkakasulat.
Tulad nito:
English: How are you?
French: Comment allez-vous? (Pronounced as: Kumant ale-bu?)
English: Where is the bus station?
French: Où est la gare routière? (Pronounced as: Uh eh lah gah uhutiye?)
Putris na ‘yan, magpapakaligaw-ligaw na lang ako, kesa magtanong kung nasaan ang istasyon ng bus.
Pero masarap pakinggan ang French kahit na hindi ko maintindihan. Alam mo ba na ang French language ay mayroong 17 na patinig (vowels)? Anak ng tinapa!
Pero mas matindi ang Danish language. Sila ay mayroong 32 na vowels. Limang vowels nga lang sa Pilipino ay hirap na tayong magkaintindihan, 17 o 32 pa kaya?
Pasalamat tayo at mas madaling bigkasin ang ating wika, dahil lima lang ang ating patinig, at bawat isa sa ito ay iisa lang ang pagbasa at pagbigkas. Pero siguro kahit pa isa lang ang patinig ng ating wika ay kaya pa rin nating ipahayag ang ating saloobin at magkakaintindihan pa rin tayo. Totoo, kahit isang vowel lang.
Hindi kayo maniwala?
Sege, pepeteneyen ke se enye. Besehen me ete:
Eng beyen keng Pelepenes,
Lepeen neng gente’t beleklek,
Peg-ebeg ne se kenyeng peled,
Neg-eley neng gende’t deleg.
Kete me ne, neeentendehen me pe ren, kehet pereng tenge leng. Enek neng tenepe! Eng geleng geleng, ‘ne. Ene be yen?
Kehet hende ke mekepenewele, pere ngeyen beleb ke ne. Genyen kegeleng eng eteng esep, keyeng ementende kehet ne pereng gege ne eng pegseselete. Mge Pelepene leng keye eng pewedeng mekesekey neng genete? Weleng senebe eng Englesh et French se eteng Peney.
Henggeng dete ne leng et beke meteleyen neng mesere eng etek nenye. Selemet pe.
Mebehey eng Pelepene!