Quantcast
Channel: filipino – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Leksiyong Pang-Grade One

$
0
0

May mga bagay na nakaukit na sa ating isipan. Kahit pa may mga ilan na hindi natin matandaan, gaya kung saan natin inilapag ang susi ng bahay, o kaya ang birthday ng ating biyenan, pero may mga bagay na hindi natin makalimutan. Tulad ng aking mga karanasan at mga leksiyon noong ako’y Grade One.

school_supplies_t715

Ako ay nag-Grade One sa isang maliit na pribadong paaralan sa Quezon City. Hindi kalakihan ang klase at mag-kasama pa nga ang mga estudyanteng Grade 1 at Grade 2 sa iisang classroom.

Hindi ko makalimutan ang ilan sa aking kaklase. Si Rolando, na kukurap-kurap, na para siyang laging kumikindat. Noong tumanda na lang ako, kesa ko nalaman na isa palang medical condition iyon – facial tic disorder. Nandiyan din si Nathan, na mestisuhin. Hindi sa ako’y naiingit na maputi siya, dahil masaya ako sa kulay kong “Italyano” – Itang Ilokano. At si Ronald na aking seatmate. Seatmate din namin ang nanay niya, dahil nakaupo ito sa likuran namin sa boong isang taon ng klase.

Maghapon ang aming klase kaya may bitbit akong baon. Inilalagay ang aming mga lunch box sa isang tabi ng classroom. Isang araw, isang Grade 2 na estudyante ang kumuha at kumain ng aking baon. Iniabot daw ng isa niyang kaklase ang aking lunch box dahil sa akalang ito’y sa kanya. Ang mokong naman kahit alam na hindi ito sa kanya, ay kinain pa rin ang aking baon!

Kaya’t unang aral ko sa Grade One ay ito:

1. Magpakatatag, kahit ang buhay kung minsan ay hindi patas. May mga bagay na nararapat na para sa iyo, ay aagawin pa ng iba. 

Hindi ko na matandaan kung ano ang aking kinain nung tanghaling iyon. Pero aking ipinaalam sa aking guro ang nangyari. Nakatagal naman ako hanggang hapon at hanggang sa mag-uwian na. At bumalik pa kinabukasan sa klase.

Naaalala ko rin noon na matapos ang aming lunch break, kami ay laging may siesta. Papatayin ang ilaw, at kami ay hihiga sa sahig o kaya ay sa desk para kami ay magpahinga. Medyo sapilitan ang pagpapatulog sa amin. May mga class monitor pa, sila iyong mga kaklase namin na in-charge daw, at sinusumbong nila sa aming teacher kung sinong ayaw matulog. Isa ako sa ayaw matulog.

Kung ako lang ang masusunod, maglalaro ako sa labas at magtatatakbo sa initan ng katanghaling tapat, hanggang sa tumagaktak ang aking pawis. Bakit pa kasi kailangan ng nap time?

Pero ngayong tayo’y tumanda na, kahit pa ibawas sa ating working hours ay payag tayo, magkaroon lamang ng ilang saglit na pahinga o siesta. Dahil sa sobrang abala at pagod natin, inaasam-asam natin kahit konting nap time o kaya’y free time para sa ating sarili.

Kaya’t ang pangalawang leksiyon ko sa Grade One ay ito:

2. May mga bagay na hindi mo gusto at parang walang kabuluhan ngayon, ngunit sa pagdaan ng panahon ay hahanap-hanapin mo.  Matutong pahalagahan ang mga ito.

Nakakatuwa lang isipin na ang batang galit sa tulog noon ay isang duktor na espesyalista sa pagtulog ngayon.

May panahon namang binibigay para kami ay maglaro. Ang mga gusto kong laro noon ay sipa, jolens, trumpo, teks, shato, patintero, habulan, prisoner’s base, at taguan. Kahit nga piko at jackstone ay nilalaro ko kalaban ang mga babae kong kaeskwela.

Hindi lang naman kaming mga Grade One ang naglalaro. Kahit ‘yung malalaking bata ay naglalaro din. Dahil medyo maliit ang school ground ng aming paaralan kaya minsan walang masyadong space para maglaro.

Isang hapon, may mga Grade Six na mga estudyante ang nagta-tumbling tumbling at nagsa-sommersault sa playground. Dahil haharang-harang ako, o dahil kasi maliit ako kaya’t wala silang pakundangan, nasipa ako ng isang lalaki habang ito ay nagta-tumbling. Tumilapon akong parang lata ng tumbang preso!

Kahit ako’y nasaktan, hindi naman ako makapalag. Nang ako’y mahimasmasan at lumingon sa batang nakasipa sa akin, nakita ko itong namimilipit na rin sa sakit. Ito ay dahil sa isang estudyanteng Grade Six ang humangos upang ako’y ipagtanggol at inumbag niya sa sikmura ang batang lalaki. Ang mabilis na sumaklolo sa akin ay ang aking ate. Oo, ipinagtanggol ako ng isang babae.

Kaya’t isa sa aral ko mula Grade One ay ito:

3. Mahalin natin ang ating pamilya. Sila ang  magtatanggol at tutulong sa atin sa oras ng pangangailangan.

Oo nga’t batid ko na hindi perpekto ang bawa’t pamilya. Ngunit darating ang panahon na walang iba kung hindi pamilya pa rin natin ang magsasalba sa atin. Ika nga nila, “Blood is thicker than water.”

Sa katunayan madalas akong tumilapon noon. Kaya kong tumilapong mag-isa. Bata pa kasi ako ay dare-devil na ako. Mahilig akong umakyat kung saan-saan at tumalon na parang Spiderman. Wala nga akong kadala-dala, kahit pumutok na ang noo ko noong ako’y tumalon sa hagdan, tapos pumutok din ang nguso ko nang ako’y lumipad sa swing. Eto ay bago pa ako mag-Grade One.

Isang araw nang ako’y nasa paaralan, tumatakbo ako sa loob ng banyo. Kahit banyo ginagawa kong playground noong ako’y Grade One. Dahil basa ang sahig, bigla akong nadulas at nakanto ang aking mukha sa pader. Pumutok na naman ang mukha ko at muntik na sa may kaliwang mata. Hindi ko nga alam kung bakit mukha ko ang lagi kong ipinangsasalo ng disgrasya.

Dinala nila ako sa aking teacher upang asikasuhin ang aking sugat. Duguan na naman ang dating ako. Ano kaya ang nasa-isip ng aking guro? Siguro sa isip-isip niya, may mararating ang batang ire kung hindi lang mababalda sa kalikutan, o kaya’y may potensiyal ang batang ire kung hindi lang mababasag ang bungo.

Matapos mapatigil ang pagdudugo, ay pinahiran ng aking teacher ang aking sugat ng mercurochrome. Ito ‘yung pulang likido na mahapdi kapag ipinapahid sa sugat. Sa aking isip noon, masakit na nga ang sugat, bakit kailangan pa itong lalong pahapdiin. Hindi ko pa maintindihan na ito ay anti-septic at kailangan para hindi ma-infection upang maghilom ang aking sugat.

Kaya isa pa sa aking leksiyong natutunan noong Grade One ay ito:

4. May mga karanasan sa buhay na mahapdi, pero kinakailangan para sa ating ikabubuti. Dahil sa mga sugat, tayo’y natututo.

Iyon na rin ang huling peklat sa mukha ko.

Kung tutuusin marami talaga tayong natutunan noong Grade One. Tulad ng pagbabasa, pagsusulat, pagbilang, pagtula at pagkanta. Oo nga’t parang payak lang ang ating alam noon pero ang karunungan ay isang proseso.

Mayroon akong isang kalaro na bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging Engineer. Kwento ng nanay niya sa nanay ko, umuwi raw na umiiyak ang aking kalaro noong unang araw niya sa Grade One. Ang dahilan? Dahil hindi raw pang-Engineering ang tinuturo sa Grade One.

Isang araw, kami ay tinuraang bumasa ng oras ng aming guro sa Grade One. Ipinaliwanag niya na may dalawang kamay ang orasan – ang hour hand at minute hand. Para lalo naming maintindihan, tumawag siya ng dalawang estudyante sa harap para magrepresenta sa mga kamay ng orasan. Si Ronald, ang aking seatmate ang minute hand, at ako ang hour hand. Sinabi niya kay Ronald na lumakad nang mabilis, at habang ako nama’y lumakad nang mabagal.

Dahil gusto ko ring lumakad ng mabilis at makipag-unahan kay Ronald, kaya’t ako’y inakbayan at ginabayan ng aking guro na magdahan-dahan. Sa tingin ko hindi lang pagbasa ng oras ang natutunan ko noong araw na iyon.

Isa pa sa aking natutunan noong ako’y Grade One ay ito:

5. Huwag natin laging madaliin ang buhay.  Kahit mabagal, basta may katiyakan ang ating pakay ay makakarating din tayo sa paroroonan.

Nakaalpas naman ako ng Grade One. Pero ako’y inilipat na sa ibang paaralan nang ako’y mag-Grade Two.

Ano na nga ang nangyari sa aking kalaro na umuwi ng bahay dahil hindi raw pang-Engineering ang tinuturo sa Grade One? Nagtuloy din naman siya ng pag-aaral at nakatapos. Siya ay nangibang-bayan din. Ngayon, siya ay isa nang ganap at matagumpay na Engineer Registered Nurse.

(*photo from the web)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 317

Trending Articles