Nitong mga nakaraang araw, ay namamayagpag sa aking pandinig ang mga OPM (Original Pilipino Music). Nalungkot ako sa balita noong isang linggo na pumanaw na pala si Rico J. Puno. Kaya para mabawasan ang aking pagkalumbay ay nagpipiyesta na lang ako sa pakikinig ng mga OPMs, lalo na sa mga kanta ni Rico J.
Isa si Rico J sa mga nagpasikat ng mga OPM. Siguro naman lahat tayong mga Pinoy ay alam ang kanyang mga kanta. Tulad nito:
“Kapalaran kung hanapin, di matagpuan, at kung minsan lumalapit nang ‘di mo alam.” (Kapalaran)
Sa totoo lang naisama ko na ang linya ng kantang ito sa isa sa aking blog, Bahala na si Batman.
Mayroon din siyang kanta na nakakapukaw ng damdamin. Tulad nito:
“Huwag damdamin ang kasawian, may bukas pa sa iyong buhay, sisikat din ang iyong araw, ang landas mo ay mag-iilaw.” (May Bukas Pa)
Nagkaroon din ako ng blog na ang pamagat ay mula sa kantang ito, May Bukas Pa.
At mayroon din mga kanta si Rico Puno na pinangarap mong sana ikaw rin ay kagaya niya. Tulad ng:
“Macho gwapito raw ako!” (Macho Gwapito)
Pero hindi naman ako naging macho dahil patpatin nga ako noong araw.
Nakakalungkot lang isipin na wala na si Rico Puno. Para sa akin na lumisan ng ating bayan at matagal nang wala sa bansa, parang bang ako’y nanghihinayang na hindi ko na mababalikan ang aking naiwan. Para bagang may kulang na sa Pilipinas na aking nakagisnan.
Pero sangayon din sa isang awit ni Rico J, eh talagang ganyan ang buhay:
“Sa mundo ang buhay ay mayroong hangganan, dahil ay lupa lamang.” (Lupa)
Hindi lang mga OPM ang namimiss ko kapag nabanggit si Rico Puno. Namimiss ko rin kung saan ako nanggaling at kung saan ako lumaki. Kung hindi ninyo po alam, si Rico J ay lumaki sa may Balik-Balik sa Sampaloc Manila. Iyong apartment kung saan sila nanirahan noon ay sa kabilang kalye lang mula kung saan ako nakatira doon sa Sampaloc. Siyempre naging proud ang mga naging kapitbahay niya nang siya ay naging sikat na.
Mabalik tayo sa mga OPM, lumaki akong nakikinig ng mga kantang Pilipino, hindi lang kanta ni Rico J. Nakakaaliw ngang isipin na iba’t iba ang mga OPM.
May mga awit na makatotoo:
“Isang kahig, isang tuka, ganyan kaming mga dukha.” (Dukha by Heber Bartolome)
May mga kantang matalinghaga:
“Patakan n’yo ng luha ang apoy sa kanyang puso.” (Balita by Asin)
At mayroon ding mahiwaga:
“Butse kik, ek ek ek.” (Butse Kik by Yoyoy Villame)
May kantang mapangutya:
“Beh, buti nga, beh, buti nga, bebebebeh, buti nga!” (Beh Buti Nga by Hotdog)
May mga kanta na garapal:
“Pahipo naman, pahawak naman, hindi na kita matsangsingan.” (No Touch by Mike Hanopol)
Kung sa panahong ito kapag kinanta mo ito ay pwede kang kasuhan ng sexual harassment.
Meron din namang mga awit na nakakatawa, pero may aral.
“Banal na aso, santong kabayo, natatawa ako.” (Banal na Aso Santong Kabayo by Yano)
Pero ang mga awit na tunay na napamahal sa atin ay iyong may kahulugan sa atin. Marahil may mga karanasan tayong hindi malilimutan na nakakawit sa kantang iyon. Para po sa akin, isa sa mga ito ay kanta ni Rico Puno:
“Alaala ng tayo’y magsweetheart pa, namamasyal pa sa Luneta nang walang pera.” (The Way We Were by Rico Puno)
Sa katunayan nai-blog ko na rin ang karanasan kong ito, Alaala ng Luneta.
Nakakamiss talaga. Kaya magsa-sound trip na lang uli ako at magpapakalunod sa mga OPM. Maraming salamat sa mga magagandang alaala, Rico J. Puno.
(*photo from the web)